August 23. NAIA, Pasay City. Kadarating lang ng sasakyan namin, puno na ng hamog ng madaling araw ang tiyan ko. Medyo senti dahil nasa lugar na ako kung saan lilisanin ang mother land at ipagpapalit siya sa lugar na mas mayaman at kayang ibigay ang hindi kayang ibigay ng sariling bansa. Gusto kong maiyak pero gusto kong iparamdam sa kaniya na kailangang lakasan ang loob. Kahiyaan na to. Wala nang atrasan. Ganun din sa Kuya ko na di ko alam kung excited na umalis ako o nagmamadali na makausap ko si Nanay para maayos na agad mga utang namin sa Pilipinas. Bilisan mo na! Yun ang basa ko sa mukha niya.
Papunta ako sa dayuhang bansa ng Kuwait. Itinulak ng kagustuhang maiangat ang buhay ng pamilya sa Bulacan. Aabutan ko doon si Titang, 21 taon nang household staff sa isang mayamang pamilya doon. Hindi na siya nakapag-asawa sa tindi ng pressure na hatid marahil ng buong angkan sa Pilipinas. Nasa ibang bahay naman si Nanay, tatlong taon na simula nang irefer ni Titang para magsilbi sa maysakit na nanay ng among babae. Pikit matang tinanggap yun ni Nanay dati. Alam ko.